Thursday, October 13, 2011

Ginataang Igat (eel), para kay nepot

Kung merong klase ng luto na gusto ni nepot at least isang beses sa isang linggo, ginataan yon. kaya halos na-perfect ko na ang ginataan ko sa loob ng 12 years! Mula sa bicol express, ginataang karne ng kalabaw, ginataang talong, ginataang alimasag na may kalabasa  at kung anu-ano pa. pero ibang-iba ang ginataan ko ngayon! Bibihira lang ako makakita ng ganitong isda sa palengke lalo na ang ganito kalalaki. Eel ang tawag dito o igat sa tagalog. Pero sa  ibang bahagi ng katagalugan, Ubod ang tawag nila dito. Kelangan mong pumili ng malalaki para hindi masyadong matinik. At kung lasa naman ang pag-uusapan... hay, pamatay sa sarap! Sa Manay, sa davao oriental, casili ang tawag nila dito. At ang lalaki nila! Hindi pwedeng i-display ng buo sa palengke kase katatakutan ng mamimili. parang anacondas ang laki! and they are expensive! Probably the most expensive you can find in their market. Ngayon, gusto kong i-share ang recipe ko ng ginataang igat sa inyo. Ang recipe pong ito ay may tama lamang na kombinasyon ng mga sangkap o ingredients. Maaaring dagdagan ang timpla ng naaayon sa panlasa. 


Ingredients:

    • 1 kilong igat (hiniwa sa 1.5 inches ang bawat isa)
    • 2 cups kakang gata ng niyog (unang gata)
    • 2 cups ikalawang gata 
    • 1/2  kutsara ng pulbos na luyang dilaw (turmeric powder)
    • 1 kutsara ng curry powder
    • 1 pirasong sibuyas, tinadtad
    • 3 butil ng bawang, pinitpit
    • 5 pirasong siling haba,hiniwa ng pahilis (finger chilies, cut diagonally)
    • 2 kutsarang suka
    • asin at paminta (ayon sa panlasa)
    • siling labuyo (kung gusto lang naman)
    • isang kilong tyaga at saya


Paano Lutuin:


Magtunaw ng asin sa suka. Lagyan din ng paminta at ibuhos sa ginayat na igat. Isalansan sa kawali o sa isang mababaw na kaserola ang mga ito. ilagay ang bawang, paminta,curry powder at ang luyang dilaw. ibuhos ang ikalawang gata. Isalang sa apoy. Hayaang kumulo at saka hinaan ang apoy. BABALA: Wag hahaluin at wag tatakpan Kapag luto na ang isda, ibuhos na ang kakang gata. Hayaang kumulo. Ilagay ang hiniwang siling haba. Maaari ng haluin ng dahan-dahan. Hinaan ang apoy, at hayaang makati ng bahagya ang sabaw. Lagyan ng asin at paminta ayon sa panlasa. :D


Para kay nepot, ito ang pinakamasarap na luto sa igat. Pwede ring gamitin ang recipe sa hito (catfish) at sa tulingan (mackerel). enjoy!!! :D hindi pwedeng walang kanin...  saing na!

XOXOXO
=)
Trivia: Turmeric Powder - ay pinulbos na luyang dilaw. Ito ay maaring pinulbos na pinatuyong ugat ng luyang dilaw, o kinatas at saka pinatuyo. Mainam sa maraming uri ng sakit at nakapagpapagaling ng mga problema sa kalusugan at balat, lalo na sa isang blood type O.

Wednesday, October 12, 2011

Kare-kare, ang paborito ni nepot


Naku, ang daming paboritong pagkain ni nepot. At dahil lagi nyang pinupuri ang lasa at klase ng pagkaing niluluto ko, cia ang paborito kong guest sa kusina. Ang sarap nyang kasama sa pagkain. Gaganahan ka kahit busog ka na! Sige, ishi-share ko sa inyo ang ilan sa mga pinaka-paborito nyang pagkain! At dahil top of the list ang karneng baka, nangunguna ang Kare-kare. kahit sino sigurong pinoy, lalo na ang nasa abroad, hinahanap-hanap ang sarap ng kare-kare! Siguro nga, pinakamasarap sa kanya ang luto ko kaya kahit kelan ay hindi na nya sinubukan umorder ng kare-kare sa kahit saang restaurant. he would always say that mine is the BEST! Now, let me share this one bowl to you... 


Natakam ka ba?  


Nong bata pa ako, sabi ng tatay ko, mas lalo raw sumasarap ang kare-kare pag natagalan na sa fridge(nabahaw na kare-kare). At totoo yon! o siguro depende sa panlasa ng tao. Pero dito sa amin, kahit sauce na lang natitira, tinatabi pa rin sa fridge. At noon din, tinutulungan ko ang nanay ko mag- grind ng freshly cooked peanuts, oil and sugar altogether para makagawa kami ng homemade peanut butter. At yon ang pinakamasarap na ingredient ng kare-kare.  You really have to try this! 


Recipe:
  •  1/2 kilong buntot at tuwalya ng baka (gayatin ng ayon sa serving, kasama ang balat)
  • tubig (sapat na matakpan ang karneng lalagain)
  • 1/2 kilong peanut butter (pinoy style peanut butter ang the best)
  • 2-3 pirasong puso ng saging (pag-apatin ang bawat isa)
  • 10  piraso ng sitaw (putul-putulin)
  • 10  dahon ng pechay na tagalog
  • 4    pirasong talong, katamtaman ang laki at hiwain ayon sa gustong sukat
  • 1/4 tasang buto ng achuete
  • 10   butil ng bawang (pitpitin at tadtarin)
  • 3    pirasong sibuyas (katamtaman ang laki, tinadtad)
  • 1/8 tasang mantika
  • konting paminta (kung gusto)
  • maraming oras at pagmamahal

Paano Lutuin:

Ilagay ang buntot at tuwalya ng baka sa isang mabigat na kaserola. Lagyan ng tubig. kelangan matakpan ng tubig ang karne. Takpan, pakuluin hanggang sa lumambot. Matagal ang pagluto ng kare-kare, kaya kelangan umpisahan ng maaga ang pagpapalambot. Hinaan ang apoy pagkatapos kumulo hanggang lumambot ang karne. Kelangang malambot din ang balat ng baka na parang gelatin ang itsura. Ang sarap! At dahil dito, magiging malapot ng konti ang sabaw ng kare-kare mo. wag kalimutang dagdagan (tibhawan) ang tubig. Iwasang makati ang sabaw. 

Kapag malambot na, patayin na ang poy. Painitin ang kawali, lagyan ang mantika, painitin at idagdag ang buto ng achuete. Pahinain ang apoy. Iwasang masunog ang mga buto hanggang maging kulay orange ang mantika. 

Alisin ang mga buto (Ilagay sa isang tasa at buhusan ng mainit na tubig para makatas pa ang natitirang kulay ng mga buto. Itabi. Maaari mo itong gamitin kung sa palagay mo ay kulang sa ganda ng kulay ang iyong kare-kare. Oo, sinabi kong ganda ng kulay dahil importanteng maganda ang kulay ng pagkain.) 


Igisa ang bawang sa mantikang kulay orange. Idagdag ang sibuyas. Hintayin maging translucent o masilag ang sibuyas. Idagdag ang pinalambot na karne. Haluin ng ilang minuto. Ibuhos ang sabaw. Pakuluin. Idagdag ang peanut butter. Haluin muli. Hayaang kumulo. Kung sa tingin mo ay kulang ang kulay, maaari mo ng ibuhos ang tubig na pinagbabaran ng mga buto ng achuete. Wag kalimutang alisin ang mga buto ng achuete. Pakuluin ng 2 minuto.

Magpakulo ng tubig sa isang kaserola. Lutuin ang puso ng saging ng 5 minuto sa kumukulong-tubig. Iwasang ma-overcook. Alisin ang puso ng saging sa kumukulong tubig at lutuin naman ang sitaw at talong. Tig lilimang (5) minuto lang ng pagpakulo sa mga gulay upang manatiling malutong. Mmmmm... crunchy! Salain sa colander ang mga nilutong gulay para patuluin ang sobrang tubig. Isalang ulit sa apoy ang kare-kare at idagdag ang mga gulay. Isama na rin ang pechay. Hayaang kumulo ng 2 minuto lamang.  Your kare-kare is now done! Sarap!

Pero ciempre, hindi makukumpleto ang sarap ng kare-kare kung walang Alamang!  Tinatawag din itong balaw sa southern tagalog region, at shrimp paste naman sa English. Yan ang mababasa mo kung bibili ka ng naka-bote sa mga supermarket. Yan din ang nakasulat sa mga English recipes.  pero kung gusto mo ng home-made, pwede mong igisa ang sariwang alamang galing sa palengke. Ang masarap na ginisang alamang para sa akin ay yong ginisa sa maraming bawang!.

Igisa ang isang tasang alamang sa 1/4 tasang tinadtad na bawang at isang pirasong sibuyas na tinadtad. Hayaang malutong maige ang alamang sa bawang bago hanguin. 

Ready na! 
Rice pa please...

Trivia: tibhaw o tibhawan (verb) -ibig sabihin dagdagan ng tubig o kahit anong likido (liquid).
Ang sarsa o sabaw ng kare-kare ay tinatawag na peanut sauce sa English.